Halos lahat naman tayo dito siguro ay naranasan ng MAGMAHAL. Pagmamahal sa Diyos, pamilya, kaibigan, walang kamatayang CRUSH, kapitbahay, fishball vendors, guro at marami pang iba. Pero sa lahat ng taong minahal mo, nakita mo na ba yung taong nilaan ng Panginoon para sa'yo? Yung taong makakasama mo habang buhay sa masasaya at malulungkot na pagkakataon? Yung taong magiging kahati ng buong pagkatao mo? Ako kasi nakita ko na sya... kaso bigla syang nawala.
8 years ago noong una ko syang makita. Hindi ko inaasahang ganoon nalang kalalalim ang gagawin nyang marka sa puso ko habang pinagmamasdan ang walang kalaman laman nyang katawan, ang maluwag na damit na nagbibigay sakanya ng hindi kaaya ayang kaanyuan, ang kanyang malasuper sayan na muka dala ng kanyang buhok na kasing taas siguro ng Mt. Taal, at ang kanyang mga mata na animo ay maliliwanag na bituin sa kalangitan.
Hindi ko inakalang magiging malapit kami sa isa't isa. May pagka mahangin kasi ang awra nya at madalas kung mapagalitan ng aming mga guro. Pero bilib din naman ako sa ginawa nyang pagpapapansin araw - araw para lang makalapit sa akin. Andyan ang hilain nya ang buhok ko, batuhin ako ng mga binilog bilog na papel at ang parating pang aasar sa akin ng "Aling Rosa" - na syang pangalan ng aking tyahin na kumupkop sa akin. Nabubwisit ako tuwing ginagawa nya iyon. Isang araw, napagtatanto ko na nagkakalapit na kaming dalawa . Paminsan minsan ay nagagawa ko ng sumasagot sa bawat pangaasar nya. "TUKMOL" - yan ang kadalasang tawag ko sakanya. Sa mga pagkakataon namang may mga kamagaral akong bumubully sa akin ay lagi syang andyan para ipagtanggol ako.
Hanggang sa nagtagumpay na nga sya,hindi nalang namin namalayan na naging kumportable na kami at kalaunan ay tuluyan na ngang nagkahulugan ng damdamin (Oo ganun kabilis).Masaya kasi syang kasama, walang pagkakataon ang pinapalagpas nya ng hindi ako humahagikgik sa kakatawa, nagkukulitan at paminsan minsan ay naghahabulan pa na mistulang mga paslit sa buong kampus tuwing ginugulo ko ang buhok nya. Sabay kami lagi sa pagpasok hanggang sa paguwi kahit magkasalungat ang kanya kanyang daanan ng aming tahanan. Sa loob ng kampus ay parati kaming magkasama. Nagkapalagayan ng loob at nagambagan ng mga sikreto. Pangarap daw nyang maging isang piloto balang araw kaya minabuti kong mangarap na maging isang flight attendant. Maging sa mga pangarap ay sinigurado kong magkasama kami. Sa piling nya, ramdam kong mahalaga ako. Halos makalimutan ko na nga minsan na hindi lang pala kami ang tao sa mundo. Kumaripas ng lipad ang panahon, mas lumalim ang pagtitinginan naming dalawa. Sa mura kong edad noon na 17, nasaksihan ko ang tunay na kahulugan ng pagibig. Dumating sa puntong sya nalang ang tanging dahilan ng aking paghinga at bawat pagpintig ng aking puso. Pero hindi namin pinabayaan ang aming pagaaral. Bagkus ay pareho naming ginawang inspirasyon ang isa't isa para gawin ang lahat ng aming makakaya. Dalawa't kalahating taon ang lumipas... katumbas ng dalawang libong pangarap na magkasama naming binuo. Mga pangarap na naging rason para mas lalong akong gumawa ng mabuti...DAHIL SYA ANG PINAKAUNANG DAHILAN NG BAWAT TAGUMPAY NA MAKAKAMIT KO.
Hanggang sa hindi inaasahan, isang hindi malilimutang balita ang umere sa aking katinuan. Habang tinatahak nya daw ang landas pauwi sa kanilang tahanan, isang sasakyan ang bumawi sakanyang buhay... at tuluyang kumitil sa aking puso. Naisip ko rin noong magpatiwakal na lamang subalit alam kong hindi nya ikatutuwa ang bagay na iyon.May mga pagkakataong naramdaman kong wala ng saysay ang buhay ko gayong bigla nalang naglaho ang kaisa isang taong nabibigay pa sa akin ng lakas upang magpatuloy. May mga panahon din noong nawalan ng direksyon at kinwesyon ang Panginoon kung bakit kailangang mangyari ang bagay na iyon...
Sa ngayon halos apat na taon na ang nakakaraan ngunit sariwa parin ang sugat at sa palagay ko ay hindi na kailanman maghihilom. Hindi na uli ako umulit magmahal. Pinipilit ko paring mabuhay at sa hinaharap ay matupad ang mga pangarap na binuo naming dalawa...ng magisa. Alam kong darating din ang pagkakataong magkikita kaming muli at sisiguraduhin kong sa mga panahong iyon ay hindi na kami magkakalayo pa. Kahit hindi ko sya nakikita ay batid kong nandito lang sya parati sa aking tabi... nagbabantay... gumagabay at nangangalaga sa akin. Sya ang aking nagiisang ANGHEL DELA GUARDIA.
(based on a true story!)
No comments:
Post a Comment